Sa larong iyon ay nagbida ang kanilang bagong recruit na si James Yap na sinasabing papanhik na sa Philippine Basketball Association sa isang taon bagamat may isang season pang nalalabi sa University of the East Warriors.
Matagal na rin namang hinintay ng karamihan sa sumusubaybay sa PBL ang pagputok ni Yap. Pero hindi ito nangyayari dahil sa tila hindi siya at home sa kanyang dating koponang ICTSI. Understandable naman iyon, e. Kasi nga, ang ICTSI ay binubuo ng core ng La Salle Green Archers na kalaban ng UE Warriors sa UAAP. Paano magiging at home si James sa koponang iyon?
Bukod doon ay nagrereklamo din si James at ang kanyang mga managers na hindi yata tama ang nagiging treatment sa kanila. Superstar material si James subalit sa ilang conferences na pamamalagi sa ICTSI ay hindi umano naumentahan ito.
So, ibinigay na rin ng Weloat House Paints ang gusto ni James at sulit naman lahat iyon dahil sa kitang-kita ang kanyang value sa team.
Sa tutoo lang, parang deja vu ito sa Welcoat, e. Kasi, ganitong-ganito din ang nangyari sa House Paint Masters nang magbalik sila sa PBL noong isang taon matapos ang isang conference na pagkawala. Sa kanilang pagbabalik ay isang napakalakas na team ang nabuo nila. Kinuha nila bilang coach si Leo Austria at nakuha din ang mga matitinding manlalarong tulad nina Rommel Adducul, Eddie Laure at Ronald Tubid na pawang pumanhik sa PBA pagkatapos ng isang tournament.
Bale-bale naman ang isang tournament na iyon dahil sa nagkampeon nga ang Welcoat. Subalit matapos na magkampeon ay nangulelat sila dahil sa hindi napunan ang mga puwestong binakante ng mga umakyat sa PBA.
Ngayon ay ganoon na naman yata ang kalalabasan ng pangyayari para sa Welcoat. Kasi bukod kay Yap ay sinasabing papanhik na rin sa PBA ang ibang House Paint Masters na tulad nina Paul Artadi, Ervin Sotto, Nelbet Omolon at Marc Pingris. Abay ito ang starting unit ni Austria.
Hindi naman pipigilan ng pamunuan ng Welcoat ang pagpanhik ng mga ito dahil alam naman ng mga team owners na sina Raymond Yu at Terry Que na pangarap ng lahat ng players na mag-pro. Tutulungan pa nga nila ang mga ito, e.
So, bago pumanhik ang mga ito, nais nilang ma-maximize ang lahat at muling magkampeon ang Welcoat. At sa paningin ng karamihan, tila maaabot na naman ng Welcoat ang target na ito.