Unang araw pa lang sa Vietnam SEAG,3 gold ang aasintahin ng RP

Sa unang araw pa lamang ng hostilidad ng 22nd Southeast Asian Games sa Vietnam sa Disyembre 5-13, aasinta agad ang RP delegation artist ng tatlong gintong medalya.

Agad na mapapasabak sa aksiyon ang RP cue artist sa 9-ball doubles sa billiards event at ang men’s at women’s all-around gymnastics.

Mayroong 12 ginto ang pag-aagawan para sa billiards event and snooker at 24 naman sa gymnastics.

Upang masiguro na hindi makaka-wala ang ginto, tiyak na isasabak sa 9-ball doubles ang tambalang sina Francisco ‘Django’ Bustamante at Antonio ‘Nikoy’ Lining na nagdomina sa naturang event sa nakaraang Asian Games sa Busan, Korea noong 2002.

Maliban sa billiards and snooker at gymnastics, ang iba pang events na sisimula sa Disyembre 5 ay ang water polo, archery, bodybuilding, chess, boxing, football, sepak takraw, rowing at lawn tennis.

Sa hanay ng mga events, ang athletics ang may pinakamaraming gold medals na nakataya sa kabuuang 45 na sinundan ng shooting na mayroong 42 at swimming na may 38.

Pag-aagawan naman ang tig-isang ginto na nakahanay sa water polo, men’s women’s basketball at football.

Show comments