St. John nakalapit sa semis

Desidido ang baguhang St. John’s Academy na makaabot sa semifinals at napatatag nila ang paghawak sa ikalawang puwesto matapos na daigin ang OB Montessori Inc., 72-55 sa 2nd San Juan Inter-High School Basketball tournament sa San Juan Gym.

Ang St. John ay mayroong 4-3 record ngayon samantalang bumaba sa ikalimang puwesto ang Florida Institute na may 3-4 matapos na matalo sa Aquinas School, 77-75. Ang Aquinas ay nasa ikatlong puwesto na may 4-2.

Nanatili namang walang talo sa anim na laro ang nagtatanggol na kampeong Xavier School at San Juan National High School sa torneong inorganisa ni San Juan vice mayor at dating PSC commissioner Leonardo "Boy" Celles.

Dinaig ng San Juan National HS ang Roosevelt College, 99-75 samantalang pinaglaruan lang ng Xavier School ang Tabernacle of Faith, 137-24 upang makaseguro ng playoff para sa semifinals berth.

Show comments