Ipinamalas ni Ledesma ang kanyang supremidad sa kalabang promising junior na si Janina Paredes sa pamamagitan ng paghataw ng 7-11, 11-7, 11-6 tagumpay sa ladies singles, habang tinalo naman ni Junio, three-time Asian Junior Championships campaigner ang katunggaling si Owen Lopez sa mens singles, 15-10, 15-7 upang ibigay sa Heron Hitters ang 2-0 kala-mangan.
Nagbanta ang Feather Whackers sa 1-2 kalamangan nang ipanalo naman ng tambalang Jeanette Banquilles at Paula Obanan ang kanilang laban kontra sa pareha nina Karyn Velez at Ledesma, 15-4, 15-3 sa ladies doubles.
Ngunit sinikap ng duo nina Kwee Tek Ming at Migs Acosta na gapiin naman ang tandem nina Mitsuyuki Kurosaka at Ricky Morales sa mens doubles, 15-9, 15-3 nang ibulsa ng Heron Hitters ang kanilang ikalawang dikit na panalo sa tournament na ito na hatid ng PLDT Vibe at Yonex.
Nagwagi naman sina dating national champion Melvin Llanes at Obanan sa mixed doubles kontra sa pair nina Martin Fernandez at Michelle de Jesus, 15-2, 15-1.
Sa iba pang laro, gaya ng dapat asahan, naging maniningning ang kampanya ni Bogs Amahit nang kanyang trangkuhan ang Duck Defenders sa pagtala ng 4-1 tagumpay kontra sa Pelican Aces.
Hiniya ng girls18-under champion na si Raquel Guerrero si Regine Katigbak sa ladies singles, 11-5, 8-11, 11-5, habang pinayukod ni Amahit, ang No.1 doubles player ng bansa si Wally Fernandez, 15-2, 15-1 sa mens singles.
Nakipagtambal naman ang asawa ni Bogs na si Mylene kay Guerrero upang dispatsahin ang pareha nina Chona Rivera at Katigbak sa ladies doubles, 15-10, 15-10, habang nagwagi naman sa mens doubles ang magpareha na sina Mark Mayo at Martin Araneta upang silatin sina Wilson Frias at Carlo Ventosa, 12-15, 15-9, 15-7.