Bahagyang nahirapan ang Green Archers, runner-up sa natanggalan ng koronang Santo Tomas U noong nakaraang season bago nila mapayukod ang Maroons sa apat na set sa Game -One ng kanilang race-to-two series, 25-22, 19-25, 25-22, 25-12 panalo na inabot ng isang oras at 30 minuto.
Dumaan rin ang Lady Archers sa apat na set na labanan na inabot ng isang oras at 30 minutos bago nila naigupo ang Lady Tamaraws, 16-25, 25-19, 25-20, 25-23 para trangkuhan ang 1-0 kalamangan sa kanilang best-of-three series.
Ang Game Two ay lalaruin sa October 12.
Ang De La Salle na runner-up sa dalawang division noong nakaraang season ay umalagwa ngayong taon sa pagsungkit ng tatlong individual awards.
Nakopo ni Alejandro Mallari ang best blocker award, nahirang naman si Janley Patrona ang best setter habang napasakamay naman ni Martin Thomas libot ang best receiver plum para sa Green Archers. Sa womens side, si Maureen Penetrante naman ang nag-wagi ng best receiver award.
Sa kabilang dako, tatlong individual award ang naisubi ng UP sa mens side kung saan si Jarod Hubalde ang best spiker at best server, si Paolo Martinez ang nagbulsa ng best libero title, ang Tamaraw na si Edjet Mabbayad ang napiling top male rookie ngayong taon.
Tatlong manlalarong babae ng Tamaraws ang umukit ng individual awards--si Monica Aleta na best spiker, Cecile Chavas best setter at best server naman si Joanne Bunag, habang si Ma. Rosario Soriano ng Ateneo ang naluklok na Rookie of the Year at si Kristine Ann Dave ng Adamson ang tumanggap ng best receiver.