Kumawala ang Tamaraws sa ikalawang quarter pa lamang ng kanilang limitahan sa siyam na puntos ang Eagles kasabay ng paghakot ng 22-puntos upang kunin ang 39-26 bentahe sa halftime bago palobohin sa 17-puntos ang kanilang bentahe.
Isang 6-0 run sa bungad ng ikaapat na quarter ang naglayo sa Tamaraws sa 56-39 matapos ang basket ni Gerard Jones na hindi na natibag pa ng Ateneo na nakalapit lamang ng hanggang 10-puntos.
Pinangunahan ni Cesar Catli ang FEU sa paghakot ng 16-puntos para tanghaling Best Player of the Game ngunit si Arwind Santos ang bayani ng championship series na siyang tinanghal na MVP ng finals.
"I have mixed emotions. Im happy because FEU won but at the same time Im sad because I beat my brother (Ateneo coach Joel Banal) ani Koy Banal na nagkaloob ng ika-18th titulo para sa Tamaraws.
Nasa Mythical team naman sina Defensive Player of the Year na sina Santos, Ritch Alvarez ng Ateneo, Reynaldo Mendoza ng NU at James Yap at si Paul Artadi ng UE. Rookie of the Year si Joseph Casio ng La Salle at Coach of the Year naman si Koy Banal ng Far Eastern.
Sa juniors division, tuluyang inangkin ng Ateneo Blue Eaglets ang titulo nang umiskor si Carlo Medina ng drive basket para sa 84-82 panalo upang ma-sweep ang best-of-three serye laban sa Adamson Baby Falcons, 2-0.
Nakopo naman ng Adamson Lady Falcons ang titulo sa womens division matapos ang 46-44 panalo kontra sa UP Lady Maroons.