SIMPLE LANG SI SCHREMPF

Olongapo City - Mahigit 200 bata ang dumagsa sa Rizal Triangle sa tabi ng Olongapo City Hall upang maturuan ng basketbol ng isang lehitimong NBA All-Star. Narito sa Pilipinas ngayon si Detlef Schrempf, ang kauna-unahang German player na pumasok sa NBA, at ang kauna-unahang 6’10 na manlalaro na naglaro bilang small forward.

Kasama ni Schrempf ang ilang mga kaibigan at coach mula sa Amerika upang magbigay-kaalaman sa mga kabataan dito sa atin. Nauna ang Olongapo dahil ang nag-aasikaso sa kanilang camp dito ay si Jeff Flowers, Fil-Am ng Olongapo Volunteers ng naglahong Metropolitan Basketball Association. Kasama rin ang Olympian na asawa ni Schrempf na si Mari.

Labindalawang taong naghanapbuhay si Schrempf sa NBA, at di pwedeng maliitin ang kanyang nagawa doon. Sa paglalaro sa iba-ibang team, nakapagtala siya ng 14 points, 6.3 rebounds at 3.4 assists bawat laro. Tatlong beses siyang hinirang na All-Star, at dalawang beses naging Sixth Man of the Year. At lahat ng kanyang nasamahang koponan ay naging lehitimong contender.

Mababanaag sa mukha ni Schrempf na kaligayahan niya ang magturo ng mga kabataan. Wala siyang ere, at tinitiis niya ang labis na init dito. Walang sawa siyang nagbibigay ng payo sa mga kapos-palad na mga bata rito, ang iba ay wala man lang rubber shoes na maisuot habang naglalaro. At matiyaga niyang tinuturuan ang mga batang maaga pa ay hinihintay na siya. Halos lahat ng bata ay kinakamayan niya bilang tanda ng pagkakaunawaan.

Sa kanilang programang tinawag na Adidas Understand the Game, babagtasin ni Schrempf ang Luzon mula Olongapo patungong Manila at Batangas. Labindalawang araw siyang mamamalagi rito. Dadalaw din siya sa UAAP sa Martes o Huwebes, at pupuntahan ang Big Man’s Camp sa darating na Miyerkules sa bagong Adidas Sport Camp sa Fort Bonifacio.

Sa pakikipagtulungan ng Basketball Coaches Association of the Philippines (sa ilalim ng pangulo nitong si Chito Narvasa), mamimili si Schrempf ng dalawang coach na dadalhin niya sa Amerika upang maturuan ng mga pinakabagong pamamaraan ng pagsasanay ng mga player. Si Schrempf ang nagsimula ng Adidas Basketball Camp and Development (o ABCD Camp) sa Europe, na ngayo’y ginagawa ng Adidas sa buong mundo. Kung hindi ninyo nalalaman, dito unang nakilala ang mga tulad ni Kobe Bryant at Tracy McGrady.

Sa harap ng kanyang naranasan, nanatiling simpleng tao lamang si Schrempf. Tahimik, ngunit palangiti, na sa pananaw ng marami’y di pangkaraniwan para sa mga Aleman. At makikita na hilig din niyang ibahagi ang kanyang mga natutunan nang walang humpay.

Nawa’y pamarisan siya ng mga NBA players na takot pumunta sa Pilipinas.
* * *
Nagbigay-daan ang programang The Basketball Show para sa mahalagang pagtalumpati ng Pangulong Gloria Arroyo sa United Nations kahapon. Subalit ito ay ipapalabas pa rin sa IBC-13 bukas, ganap na alas-6 ng gabi. Kung nais ninyong sumulat, kami ay nasa thebasketballshow@yahoo.com.

Show comments