Sina Lina, chairman ng Air21 na siyang nagtaguyod ng muling pagbuhay ng tanyag na Tour, kasama ang kanyang team na binubuo nina back-to-back Tour champions Cornelio Padilla Jr., at Paquito Rivas, Arthur Cayabyab at Jun Lomibao na kabilang sa 15-man board ay magseserbisyo ng termino ng one Olympic cycle o apat na taon.
Ang iba pang nahalal ay sina Leo Magaway, Antonio Cruz, Fred Corda, Armando Bautista, Jose Ferrer, Carlos Gredonia, Armando Camiling at Col. (ret.) Romeo Modelo na pawang nagsitakbo sa ilalim ng unity ticket na kinabibilangan ng Lina team at independent candidates Alberto Garcia at Jojo Villa.
Sinaksihan ni Dato Seri G. Darshan Singh, ang Malaysian president ng Asian Cycling Confederation (ACC) at miyembro ng management committee ng Union Cycliste Internationale (UCI) ang ginanap na halalan sa multi-purpose gym ng Amoranto Stadium sa Quezon City.
Dumaan din si Philippine Olympic Committee president Celso Dayrit sa ginanap na elections na nilahukan ng 206 cycling clubs sa buong bansa.
Kumpiyansa na ang Philippine cycling ay magkakaroon ng panibagong buhay kayat ginarantiyahan ni Darshan ang bansa na bigyan ng karapatan na maging punong abala sa Asian Mountain Bike Championships sa 2004. Ang nasabing championships ay taunang idinadaos kung saan ang 2003 edisyon na humakot ng 18 mula sa 37 miyembrong bansa ng ACC ay nakatakdang magsimula sa susunod na linggo sa Japan.