Harp, Locsin balik-aksiyon na

Pormal na ibinalik ni PBA Commissioner Noli Eala sa aktibong paglalaro sina Davonn Harp ng Red Bull Barako at Noli Locsin ng Talk N Text matapos ang masusing re-evaluation ng kanilang kaso.

Ibig sabihin, ang dalawang manlalaro na kapwa isa sa mga sandigan ng kanilang mga koponan ay balik-aksiyon na sa pagbubukas ng import-laden Reinforced Conference sa Agosto 30 sa Baguio City kung saan nakatakdang magharap ang Barakos at FedEx Express.

Ayon pa kay Eala, kapwa nakumpleto na ng dala-wang players ang league rules matapos na matukla-sang positibo sila sa paggamit ng ipinagbabawal na droga sa mandatory drug test na isinasagawa ng PBA.

Dapat ay sa katapusan pa ng Setyembre muling pag-aaralan ang kanilang kaso ngunit ginawa ito ng mas maaga dahil na rin sa maagap na pagsunod nina Harp at Locsin sa requirement ng liga at dumaan din sa mga drug test at nabigyan na ng malinis na sertipikasyon ng kalusugan.

Sinabi rin ni Eala na pag-aaralan na uli ang mga kaso nina Jun Limpot at Alex Crisano ng Barangay Ginebra at Ryan Bernardo ng FedEx na nagsumite na rin ng kanilang medical reports at clearance sa Commissioner’s Office nitong linggo. May Indikasyon din na malamang na makapaglaro na sila sa Reinforced Conference. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments