Ang back-to-back triples sa huling maiinit na segundo ang ginawang sandigan ng Y4R upang isama ang Phone Pals sa kanilang biktima at maki-sosyo sa liderato sanhi ng 3-1 record sa isang linggong tournament na ito na para lamang sa mga manlalaro na may edad 18-anyos pababa at may taas na anim na pulgada.
Sinimulan ni Rennel de la Vega ang pananalasa ng Y4R sa pagsalpak ng tres sa final na minuto nang iposte ng Roco dribblers ang kampanteng 84-80 kalamangan makaraang makadikit ang Junior Phone Pals sa 80-81.
Isa pang triples ang pinaalpasan ni Marco Angelo Pacheco sa final na 25.5 segundo upang tuluyang kitilin ang paghahabol ng Junior Phone Pals at iselyo ang kanilang panalo.
Samantala, pinagtulungang trangkuhan nina Jonathan Canceran at Cassidy Shun ang Samsung upang pigilin ang pag-usad ng Purefoods TJ Hotdogs sa finals sa pamamagitan ng 81-77 panalo sa tournament na ito na sponsored ng Air21 at Smart Communications kung saan ang Mail & More ang minor backer.
Sa ikatlong laro, humatak naman ang John-O ng 78-77 paninilat kontra sa wala pang panalong Timex.
Matapos ang Cebu leg, ang Six-Footers League inilunsad ni Air21 Chairman Bert Lina ay planong magtungo ng Mindanao. Ang champions at runner-ups sa bawat Luzon, Visayas at Mindanao legs ang maglalaban-laban sa Grand finals.
Kailangan ng TNT junior at Y4R na maipanalo ang kanilang huling laban kontra sa Timex dribblers gayundin ang kanilang laro laban naman sa Purefoods.