DEHADO ANG RP TEAM

KAHIT na sabihin pang hindi naman mga national teams ang ipinadala ng Yugoslavia, China at South Korea sa Samsung-PBA Invitational Cup ay hindi naman puwedeng maliitin ang kakayahan ng mga koponang ito.

Kasi nga, kahit paano’y buong-buo ang mga teams na ito, eh. Club team o school teams sila. Matagal nang nagsama ang mga manlalaro ng koponang ito kung kaya’t mayroon na silang teamwork.

Kapag tiningnan nga ang line-up ng China ay makikitang ito’y mixture ng mga bata’t beterano. Nandoon nga si Ma Jian na minsang naglaro bilang import ng Hapee Toothpaste dito sa ating bansa. Mayroon din silang mga dating miyembro ng national team.

Ang Korean team naman ay bata pa at tila long-term ang tinitingnan nito. Ganoon naman talaga ang paghahandang ginagawa ng mga Koreans magmula pa noon.

Ang Yugoslavian ay tiyak na matatangkad. Powerhouse team sila sa Europe at hindi ba’t marami na ring mga European players ang kinukuha ngayon ng National Basketball Association?

Hindi ito katulad ng Philippine team na sinusuportahan ng Cebuana Lhuillier. Kasi nga’y nasabi na natin na hindi naman nakabilang sa koponang kalahok sa Samsung-PBA Invitationals ang ibang college players na hindi pinayagang maglaro ng UAAP at ng kani-kanilang mother schools. Kaya tuloy napilitan si coach Aric del Rosario na kumuha ng mga replacement players buhat sa Philippine Basketball League.

Sabihin na nating malalakas din ang nakuhang replacement players ni del Rosario pero hindi naman buong-buo ang team-work nila ngayon dahil nga kapalit lang sila, eh.

Kaya nga sinasabing dehado ang RP Team kumpara sa mga foreign entries kahit pa hindi nga national teams ang mga ito.

Kumbaga, hindi pa rin makikita kung ano ang tunay na puwedeng ibuga ng RP Team.

At hindi ba iyon ang tunay na layunin ng paglahok ng RP Team sa Invitationals? Hindi ba’t nais ng Basketball Association of the Philippines (BAP) na gamitin ang PBA tournament upang maging training ground para sa mga future international tournaments.

Eh, kung hindi naman ito ang tutoong komposisyon ng RP Team, paanong magiging effective ang paghahanda nila para sa future international competitions?

Kahit pa gaanong kaganda ang maging performance ng RP Team, kung sa dakong huli’y papalitan pa rin ni del Rosario ang komposisyon nito at ibabalik ang mga collegiate players na hindi hinayaang maglaro sa PBA, sayang lang ang partisipasyon nila sa liga.

Iyon ang problema, ‘di ba?

Show comments