Solo liderato sinakmal ng SBC Red Lions

Umiskor ng apat na krusyal na freethrows si Ronnie Bughao upang ihatid ang San Beda College sa 85-82 panalo laban sa Mapua Institute of Technology at solohin ang pangkalahatang pamumuno sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Naging kampante ang 5’11 na si Bughao sa free-throw area kung saan nagmula ang kanyang huling apat na puntos para sa SBC Red Lions na kumalas sa four-way logjam ay kunin ang pamumuno matapos itala ang kanilang ikalimang panalo sa pitong pakiki-paglaban.

Tumapos si Bughao ng 23-puntos, siyam na assists, tig-pitong re-bounds at steals na naging tinik sa lalamunan ng Cardinals na lumasap ng kanilang ikatlong pagkatalo sa pitong laro.

Nanatiling malaking banta ang MIT nang kanilang idikit ang iskor sa 81-80 ngunit nakahugot ng foul si Bughao kay Hermes Sumalinog at ipinasok nito ang dalawang bonus shots para sa 83-80, 14 segundo pa ang nalalabing oras sa laro.

Na-follow-up naman ni Jeffrey Martin ang nagmintis na triple ni Sumalinog sa sumunod na posesyon ng Mapua upang manatiling may pag-asa sa panalo sa 82-83, tatlong segundo pa.

Mabilis na na-foul ni Martin si Bughao na muling ipinasok ang dala-wang freethrows para sa final score, dalawang segundo na lamang ang natirang oras sa laro na kulang na para sa pagtatangkang agawin ng Cardinals ang panalo

Umabante ang San Beda ng 17-puntos, 25-8 sa unang quarter.

Sa ikalawang seniors game, kumamada ng 14 puntos si Leo Najorda sa ikatlong yugto na naging sandalan ng defending champion San Sebastian College tungo sa 84-73 panalo kontra sa College of St. Benilde.

Sa unang laro, nanalo din ang SBC Red Cubs kontra sa MIT Red Ro-bins, 92-86 sa juniors division.

Show comments