Huling slot sa Asian Invitational nakataya

Nakataya ang huling slot sa 2nd conference Invitationals sa krusiyal na sagupaan ng Alaska at Ginebra sa pagtatapos ng Samsung-PBA Mabuhay Cup ngayon sa Cuneta Astrodome.

Nakatakda ang sagupaang Aces at Ginebra sa alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng Purefoods-Sta. Lucia encounter na sisimulan sa alas-4 ng hapon.

Wala pang talo ang Alaska sa kanilang tatlong asignatura na nagluklok sa kanila sa no. 1 spot, ngunit posible pa itong maagaw ng Ginebra kung mananalo sila ngayon.

Ang Ginebra na lamang ang may tsansa sa susunod na kumperensiya kung saan may nauna nang limang teams na nag-qualify kasama ang tatlong Asian Teams at ang RP squad na naghahanda para sa Vietnam, Southeast Asian Games sa Disyembre.

Ang mananalo sa Alaska-Ginebra ay makakasama ng San Miguel, FedEx, Talk N Text, Coca-Cola at Red Bull.

Bukod pa rito, kasama rin sa susunod na kumperensiya ang mga teams mula sa China, Korea at Yugoslavia na makikipagbakbakan para sa $20,000 premyo na laan lamang sa mga dayuhang koponan.

Sa unang laro, magsasagupa naman ang Purefoods TJ Hotdogs at Sta. Lucia Realty sa alas-4 ng hapon sa kanilang wala nang bearing na bakbakan.

Wala pang panalo ang Purefoods sa tatlong laro at ito ang nais nilang matikman laban sa Realtors na nakaisa namang panalo sa tatlong asignatura. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments