At gaya ng dapat asahan, ipinamalas ng Express ang kanilang tikas na hindi nagawa ng iba pang koponan sa nakalipas na 11-taon nang kanilang hiyain ang Bahrain champion Manama, 86-70 sa Philippines-Bahrain Friendship Basketball Series sa punong-punong Juffair Stadium kahapon.
Nagsama ng lakas sina Vergel Meneses, ang kasalukuyang scoring leader at Ren-Ren Ritualo upang trangkuhan ang opensa ng koponan sa first-half na hindi na nagawang lingunin pa ng Bahrain.
Kumana si Meneses ng 10 puntos sa first quarter kabilang ang kanyang mga acrobatic reverse layup ang naghatid sa Express sa pangunguna sa 22-18.
At ng tangkain ng kampeon na gumawa ng malaking pagbangon sa pamamagitan ng kanilang 6-foot-10 import na si Marvin Wilson at ABC veteran sibling pair na sina Mohammed at Nooh Najaf upang agawin ang kalamangan sa 36-32, dito na sumiklab si Ritualo nang umiskor ng limang sunod na basket, apat nito ay mula sa three-point shots upang muling agawin ang momentum sa kalaban.
Ang back-to-back triples ni Ritualo na tumapos ng 15-puntos sa second quarter ang muling nagdala sa Express sa unahan sa 45-40 na hindi na binitiwan pa ng Filipino.