Ngayon ang huling araw ng mahigit isang buwang selebrasyon, at marami pang patimpalak na gagawin ang liga para sa mga tagahanga nito sa Pilipinas.
Lalong dumami ang tao nang sumayaw ang mga Golden State Warrior Girls. Ilang araw lamang sila rito, at mainit ang naging pagtanggap sa kanila, magmula sa mga fans, sa PBA, at kahit na sa Department of Tourism sa ilalim ni Kalihim Dick Gordon, na nag-anyaya sa kanila sa Intramuros kagabi. Punung-puno ang schedule ng anim na kababaihang beterano na ng pagtatanghal sa telebisyon at sa mga laro ng Warriors. Masaya naman ang kinalabasan ng kanilang pagtuturo sa mga manonood kung paano sumayaw ng tulad nila.
Milya-milya ang pila para sa mga contest na isinagawa ng NBA Madness.
Nagkaroon ng two-on-two, 3-point shootout, 2Ball contest, at iba pa. Maging ang pagiging NBA announcer ay sinubukan ng mga ibang lumahok, at ang naging judge ay ang tanyag na kolumnista ng The Phil. Star at sports analyst na si Quinito Henson.
Maraming ganitong klaseng event ang ginagawa ng NBA, kahit na walang kasamang mga player. Mayroon silang NBA Jam Session, na kahalintulad nito, at daglian nilang nililigawan ang napakalaking merkado dito sa Asya, lalo na't may mga Tsinong manlalaro na sa NBA. Sa Nobyembre, magkakaroon ng regular season game sa Japan, at may balak na laro sa China sa kauna-unahang pagkakataon.
"These are very exciting times for us in the NBA," sambit ni Carlo Singson, ang Pilipino marketing manager ng NBA Asia. "The Asian market is opening up, and with China, Taiwan, the Philippines and Japan, there is a huge audience for the NBA."
Sa mga susunod na taon, sisimulan din ng NBA ang kanilang Junior NBA program, upang patibayin ang hawak nito sa mga manonood at mamimili ng mga produkto nila. Kasalukuyang nakikipag-usap ang liga kay Charlie Favis at Bobby Parks, na nagpapatakbo ng Hoop School, isang buong-taong programa para sa basketbol para sa mga bata.
Hindi lamang iyan. May mga ginagawang promotions ngayon sa Malaysia, Singapore at Taiwan ang NBA na hindi pa sinisimulan dito. Pag nagkataon, maaari nang bumuo ng isang tour para sa mga NBA players sa dakong ito ng Asya.
Bagamat tapos na ang season ng NBA, sinisigurado nilang mananatiling baliw pa rin ang mga Pilipino dito. At gusto naman natin.