Sasagupain ng 19-anyos na si Danilo Peña na may record na pitong panalo, isang talo ang hard-hitting na si Jun Erahan na bumiyahe pa mula sa Saranggani Province sa 10-round bout sa Mandaluyong Gym.
Kakatawanin ni Peña ang Mandaluyong Boxing Gym at sasandalan niya ang suporta ng hometown crowd, ngunit siguradong mahirap na kalaban si Erahan na isang kockout artist na mayroong itinalang 12 KOs sa kanyang 16 na panalo.
Ang mananalo sa labang ito ang uusad sa PPBL quarterfinals palapit sa pagiging unang kampeon ng PPBL flyweight category at P50,000 cash prize mula sa kabuuang pot na P500,000.
Labing anim na mahuhusay na flyweight boxers ang siyang maglalaban-laban sa apat na buwang PPBL tournament kung saan ang isang pagkatalo ay nangangahulugan ng awtomatikong pagkasibak.
Kabilang sa mga paborito sa PPBL tournament ay sina dating Philippine champions Jovan Presbitero, Eugene Gonzales at Alfred Nagal. Sina Presbitero at Nagal ay nakatakdang magpakita ng aksiyon sa Huwebes.