Pero teka, sino ba ang nawala nang kunin ng Sta. Lucia si Duremdes buhat sa Alaska Aces sa isang trade na kinabilangan ng dalawang draft picks sa simula ng taong ito?
Upang mapagkasya ang P500,000 buwanang suweldo ni Duremdes sa salary cap ay ipinamigay ng Sta. Lucia sina Marvin Ortiguerra, Omanzie Rodriguez at Gherome Ejercito sa FedEx. Ibinigay din nila si Angelo David sa Talk N Text at pumayag na magbayad ng kalahati sa suweldo nito. Lumipat si Richard del Rosario sa Alaska Aces. Hindi na rin pinapirma ng Realtors ng kontrata si Michael Orquillas.
So, kung titingnang mabuti ang mga manlalarong nawala sa line-up ng Sta. Lucia upang maisaksak si Duremdes sa line-up, makikitang wala naman sa mga ito ang kasing husay ni "Captain Marbel."
Puwedeng kapusisyon ni Duremdes sina Ejercito at Orquillas pero wala sila sa kalibre nito.
Kaya naman kung mayroong injury si Duremdes at hindi makapaglaro, hindi ibig sabihin nito na walang makapapalit sa kanya. Maraming puwedeng pumalit sa kanya at pagtulungan ang mga numerong naibibigay sana ni Captain Marbel.
Ang tinutukoy namin ay ang mga tulad nina Chris Tan, Gerard Francisco at Francis Adriano. Ibilang na rin dito ang point guard na si Paolo Mendoza.
So, kung ang mga ito ay magpapakitang gilas lang ay puwede namang mag-survive ang Sta. Lucia hanggang hinihintay nila ang pagbabalik ni Duremdes.
Eh bakit nga ba natalo ang Sta. Lucia sa Alaska Aces, 75-66 sa pagtatapos ng quarterfinals? Bakit natalo sila sa Coca-Cola, 80-65 sa simula ng kanilang best-of-five semifinals series?
Dahil wala si Duremdes?
Hindi nga puwedeng dahilan iyon kasi puwede namang punan ng iba ang kawalan ni Duremdes. Hindi lang nila ito nagawa.
Marahil, nasanay na kasi sila na nandiyan si Duremdes. Nasanay na sila na panoorin na lang si Duremdes. Nasanay sila na umasa nang todo-todo kay Duremdes.
Kasi nga, kaya nila kinuha si Duremdes ay upang magkaroon sila ng isang consistent offensive threat. Tinanggap na nila ang kanilang papel bilang reserba na lamang at baka dahil dito ay unti-unting naagnas ang kanilang kumpiyansa.
Magaling kung sa magaling ang mga reserbang manlalaro ni coach Alfrancis Chua pero dahil sa nagtagal sila sa bangko sa mga unang yugto ng torneo, natatagalang matanggal ang kalawang sa kanilang sistema.
At dahil maikli lang ang semis, kailangang magmadaling bumalik sa active duty si Duremdes!