PBA's pinaka

Marami na ang lumiham at nag-e-mail sa inyong lingkod, at sila'y nagtatanong tungkol sa mga "pinaka" sa PBA, mga paksang di nasasakop ng sari-saring award, at di rin napag-uusapan tuwing may laro. Para sa kanila, inipon namin ang mga kasagutan sa kanilang mga tanong.

Ang pinakamatangkad at pinakamabigat na manlalaro sa liga ay ang seven-footer na si E.J. Feihl. Ang dating sentro ng Adamson University ay may timbang na 290 pounds, halos doble ng pinakamagaang na sina Bal David ng Barangay Ginebra at Egay Billiones ng FedEx, na pumapatak ng 150 lamang.

Pero ang nakalista bilang pinakamaliit na player ay si Johnny Abarrientos ng Coca-Cola, na halos umaabot ng 5’8 ang tangkad.

Maraming kababaihan ang nagtatanong ng laki ng paa ng mga player, di ko malaman kung bakit. Kung may relasyon man ito sa ibang bahagi ng katawan ng manlalaro, di natin masasabi. Marami ang dambuhala ang paa sa PBA, pero ang pinakamalaking size ay 16. Ito ang sukat ng paa nina Chris Bolado, Billy Mamaril, Andy Seigle, Kerby Raymundo at Frederick Canlas. Sa koleksyong ito ng Purefoods Hotdogs, umiwas tayong matapakan. Mahirap na.

At muling lumilitaw ang pangalan ni Bolado pag pinag-usapan ang dami ng team na pinaglaruan: 7. At anim dito ay nagkampeon na kasama siya. Ibig sabihin nito'y hindi siya mawawalan ng trabaho. Ang suwerte nga naman...

Ang pinakamataas na numerong puwedeng isuot sa basketbol ay 99, Ito ang numero nina Rudy Hatfield ng Coca-Cola at Jonathan de Guzman ng Talk 'N Text. Ang pinakamababang numero naman ay ang 00, na solong suot ng rookie ng Phone Pals na si Kahi Villa. Pagdating sa numero, sakop ng Talk 'N Text lahat.

Samantala, dumako tayo sa sensitibong paksa ng edad. Ang pinakamatandang player ngayon ay si Chris Jackson ng Shell Turbo Chargers. Si Chris ay mahigit 37 taong gulang na. Ang pinakabatang player ay ang kakampi niyang rookie na si Ronaldo Tubid. 21 years, eight months ang tanda ni Tubid. Nang huling maglaban ang Crispa at Toyota, bagong panganak pa lang siya.

Sa mga coach naman, malayo ang agwat ni Ryan Gregorio ng Purefoods Hotdogs at Tim Cone ng Alaska Aces. Si Ryan at 30 taong gulang at may isang championship, si Tim naman ay papalapit na sa 46 anyos.

Dapat sigurong may sariling kategorya si Alvin Patrimonio. May 12 All-Star Game na siyang sinalihan, 4 na MVP award (kasama si Mon Fernandez), halos 820 laro at 15,000 points. Di lamang iyan. Sila na lamang ni Jerry Codiñera ng FedEx ang natitira mula sa batch 1988. Wala nang naiwan sa batch 1989 kundi si Benjie Paras, na ngayo'y nasa San Miguel Beermen.

Tuloy ang ikot ng mundo.

Show comments