Depensa ni Pacquiao vs Mexican pug, pinaghahandaan ng todo

Lubusan ang ginagawang paghahanda at ensayo ni International Boxing Federation (IBF) super bantamweight champion Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao sa nalalapit nilang paghaharap sa boxing arena ng 27-anyos na Mexican boxer at kapangalan na si Emmanuel Lucero, ngayong darating na Hulyo 26 ng taong kasalukuyan sa Los Angeles, California.

Sa personal na panayam ng PSN kay Pacquiao, sinabi nito na ibayong ensayo, disiplina sa sarili, tamang diet sa pagkain ang kasalukuyang pinapairal nito bilang paghahanda sa nalalapit niyang laban.

Ayon kay Pacquiao, bagama’t bantog na tuso at magaling na boksingero si Lucero ay determinado siyang talunin ito sa maayos at pantay na laban.

Inamin ni Pacquiao na ngayon pa lang ay kanya ng pinag-aaralan ang posibleng magiging galaw at estilo ni Lucero sa kanilang paghaharap.

"Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya na manalo sa fair-play na pamamaraan. Kung sakali ay iaalay ko ang aking tagumpay sa aking pamilya, sa bansa at sa lahat ng mga mamamayang Pilipino lalo na sa Diyos," ayon kay Pacquiao.

Anya, tatapatan niya ng kanyang ‘magic straight punch’ ang pamatay na ‘body punch’ ni Lucero.

Napag-alaman rin ng PSN kay Pacquiao na sakaling manalo siya sa itinakdang 12-rounds fight nila ni Lucero ay makakapag-uwi siya ng $200,000 bukod pa sa korona.

Ang 27-anyos na si Pacquiao ay may boxing standing record na 37 panalo; 29 knock outs at 2 talo, samantalang si Lucero naman ay may 21 panalo, 11 knock outs at 2 talo.

Nakatakdang umalis sa bansa si Pacquiao ngayong darating na Hunyo 10 upang sumailalim sa halos isang buwang ensayo sa L.A. sa ilalim ng pamumuno ng kanyang international boxing trainor na si Freddie Roach.

Samantala, nilinaw naman ni Pacquiao ang isyung lumalabas na nagumon siya sa sugal sa pamamagitan ng pagtaya ng malaking halaga sa larong bilyar.

Aniya, pawang walang katotohonan ang nasabing akusasyon at kung naglalaro man umano siya ng bilyar ay bilang pampalipas oras lamang at walang perang involved dito.

Lubusan namang nagpapasalamat si Pacquiao sa lahat ng mga sumusuporta sa kanya lalo na sa kasalukuyang administrasyon, sa media at sa lahat ng mga mamayan na naniniwala sa kanya.

Show comments