Alegasyon ni del Valle, pinabulaanan ni Daza

Mariing pinabulaanan ni Raymundo Daza, kapatid ni dating congressman at ngayon ay governor na si Raul Daza, ang alegasyon ni Yuri del Valle, municipal civil registrar ng San Jose, Northern Samar .

Ayon kay del Valle, si Daza ang humiling sa kanya na ayusin ang mga dokumento ni Fil-Tongan Asi Taulava ng Talk N Text sa huling pagdinig sa senado noong Lunes.

"I wish to state for the record that this allegation has no basis in fact. I have never met Mr. del Valle nor discussed any matter with him, including anything to do with Asi Taulava. This is clearly politically motivated by del Valle, or whoever is behind it to malign my family including my brother Governor Raul Daza." ani Daza sa kanyang pahayag na ipinadala.

Sa pahayag ni del Valle sa pagdinig sa senado, sinabi nito na napilitan lang siyang irehistro ang late registry of birth ng ina ni Asi na si Pauline Ma-teaki dahil umano sa pakiusap ni Raymundo Daza.

Sinabi rin ni del Valle na hindi niya matanggihan ang kahilingan ni Daza dahil kapatid ito ng gobernador ng kanilang lugar na si Raul.

Gayunpaman, lahat ng ito ay pinabulaanan ni Raymundo at sinabing ang umiinit at nalalapit na national elections ang maaring dahilan sa pagpapalabas ng taktikang black propaganda sa kanilang pamilya.

Sinabi rin ni Daza na hindi niya palalampasin ang kasinungalingang ito at humihingi na siya ng legal counsel para sa posibilidad na magsam-pa ng kaso laban kay del Valle sa paninira sa kanyang reputasyon maging ng kanyang pamilya. (Ulat ni DM Villena)

Show comments