Kasabay ni national team member Davadilla, ang champion sa huling pagtatanghal ng Marlboro Tour noong 1998, sina Alfie Catalan ng Bowling Gold at Bernard Luzon ng Patrol 117 ng tapusin ang 98-kilometrong karera sa tiyempong dalawang oras, 18-minuto at 42 segundo.
Ngunit ang 27-gulang na si Davadilla ang nagbulsa ng P10,000 bilang lap winner, P5,000 kay Catalan bilang runner-up at P3,000 kay Luzon bilang third placer.
"Gusto ko lang po dumikit kay Arnel (Querimit). Ang balak ko, kahit papaano, makakain sa yellow jersey," ani Davadilla, tubong Valen-zuela na kasama sa walo-kataong kumawala sa huling 30 kilometro ng karera na kinabibilangan nina Catalan, Luzon, Lito Atilano ng Gilbey's Island Punch, Rhyan Tanguilig ng Pagcor, Ronald Gorrantes ng EcoSavers at Lloyd Reynante ng PAGCOR at ang humabol mula sa main peleton na si Querimit.
Ngunit walang nangyari sa isinagawang hakbang ni Davadilla dahil dalawang segundo lamang ang agwat ng grupo ni Querimit na pumasok sa finish line na kinabibilangan nina Atilano, Tanguilig, Gorrantes at Reynante.
Mahigit labing dalawang minuto pa rin ang layo ni Davadilla kay Querimit sa overall leadership.
Dahil dito, lalong lumaki ang kalamangan sa overall individual leadership ng Stage One winner na si Querimit na ngayon ay mayroon nang mahigit limang minutong kalamangan sa puma-pangalawang FedEx Tour of Calabarzon champion Santy Barnachea ng Bowling Gold at pumapangatlong si Merculio Ramos ng Samsung na 46 segundo ang layo sa stage winner.
"Nag-sacrifice lang ako kasi wala naman yung mga kalaban ko sa overall," ani Querimit na may 8:53.31 sa overall individual leadership matapos ang tatlong stage habang ang kanyang pinakamalapit na kalabang si Barnachea ay may 8:58.36 kasunod si Ramos na may 8:58.48.
Wala ring kaba si Querimit sa ikaapat na stage ng Tour, ang Daet-to-Lucena lap na may distansiyang 207.1kms na dadaan sa matarik na 'Tatlong M' sa Quezon National Park.
Sa karera ng P1 milyon team prize, nangunguna pa rin ang Team time trial winner Tanduay Rhum Riders sa kanilang oras na 36:14:46.50, 16.35 segundo lamang ang agwat sa pumapangalawang Bowling gold at 1:47.93 na layo sa third place na Patrol 117 kasunod ang PAGCOR at EcoSavers. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)