Pagbabalik ng tour mas kapana-panabik

Muling mabibigyan ng kasiyahan at kulay ang kalsada ngayong summer sa pagbabalik ng Tour Pilipinas makaraan ang apat na taong pagkakatigil nito.

At ipinapangako ng taong responsable sa pagbabalik ng 2003 edition ng cycling spectacle na ito na mas higit na magiging kapana-panabik ito.

"We’re happy that we’re able to bring the Tour back. Expect an exciting summer for our cyclists," ani Bert Lina, Tour Pilipinas chairman at may-ari ng sponsoring Airfreight 2100 nang maging panauhin ito kahapon sa PSA Forum sa Manila Pavillion Hotel kasama si race manager Paquito Rivas, apat na araw bago pormal na magsimula ang 15-lap, 18-day bikefest na papadyak sa Legaspi City sa Sabado.

May kabuuang P3.3M ang nakataya sa event kung saan ang 84 siklista na hinati sa 12 teams.

Ang pagbabalik ng tour, na kinokonsidera ng marami na pinakamalaking sports event tuwing summer hanggang sa ito ay tumiklop noong 1998, ay maagang kumuha ng atensiyon sa marami maging si PSC chairman Eric Buhain, na panauhin din sa nasabing forum kasama sina Lanao del Norte Gov. Imelda Dimaporo at asawang si Congressman Bobby Dimaporo, ay binati si Lina sa kanyang pagsusumikap na maibalik ito sa kalye at tinagurian si Lina bilang "sports hero of the new generation."

Ang mga koponang maglalaban-laban ay ang Bowling Gold, Tanduay, PLDT-NDD, Gilbeys Island Punch, Intel, Samsung, EcoSaver, Drugbusters, Newsboys, VAT Riders, Postmen at Patrol 117 para sa karangalan at premyong P1 million para sa top team at P200,000 naman sa individual champion.

"Pantay-pantay ang mga teams ngayon kaya mahirap mag-predict kung sino ang magiging champion," pahayag ni Rivas na isa ring beterano ng tour.

Show comments