Ano ba ang ibig sabihin sa atin ng panahong ito? Sanay na tayo sa walang-tigil na pagbabago sa sports; bagong record, bagong player, bagong galaw, bagong gimik. Sa sports, ang manatili sa nakaraan ay kamatayan.
Sa tunay na buhay, nadadala ba natin ang mga napupuna natin sa isports? Aling mga bahagi sa ating buhay ang pinalalakas natin? Tinanong ko ito dahil nahirapan din ako sa pagbabago. Sumali ako sa isang torneo ng basketbol upang samahan ang kapatid ko, at marami akong napilitang ibago sa laro ko, dahil habang tumatagal napag-aaralan ako ng mga kalaban, at nadedepensahan ang mga kilos ko.
Nagpag-isipan ko tuloy; hindi na ako makakalusot sa mga dati kong ginagawa, dahil gumagaling ang mga kalaban, Lumalaki, bumibilis, lumalakas. Ganyan din pala ang buhay.
Pero ang pisikal ay iisang bahagi lamang ng buhay ng tao; ni hindi ko na masyadong naiisip ang kalusugan ko. Ngayong Semana Santa, nilinis ko rin ang katawan ko sa pagdalaw sa paraiso ng The Farm at San Benito, at nagulat ako dahil nagustuhan ko ang kumain ng gulay na kaaya-aya ang paghahanda, at hindi ko napansing hilaw lahat ng kinain ko. Iisipin mo na lang na mayroon pa silang mga pasta, chocolate cake, cookies at kung anu-ano pang masasarap na pagkain na di mo aakalaing vegetarian?
Sa ilang araw na pamamalagi doon, naisip-isip ko rin ang mga bagay na tumagal na sa buhay ko pero hindi ko pinapansin. May mga pangarap akong pinabayaan o nilimot dahil akala koy di ko maaabot. May mga tao akong nalimutang pasalamatan, mga mahal sa buhay na naiwanan. At may mga ugali akong di na akma sa buhay ko ngayon.
Minsan, masakit isipin, at mas madaling hayaan na lang na manatili ang buhay tulad ng dati, Subalit, namulat ako sa katotohanang ang pananatili sa nakaraan ay siguradong kamatayan, bamagat dahan-dahan.