Nakawalong puntos lamang si Rafi Reavis ngunit naging all-around player ito sa kanyang naitalang dalawang blocks, apat na assists at pitong rebounds para sa Tigers na nakabangon mula sa apat na sunod na kabiguan at iangat ang record sa 5-4 sa Group B.
Napiling best player si Reavis dahil sa kanyang krusiyal na rebound mula sa nagmintis na basket ng kasamahang si William Antonio para maipreserba ng Tigers ang posesyon.
Napiliting humugot ng foul ang Phone Pals na pansamantalang ginigiyahan ni Joel Banal dahil sa biglaang pag-alis ng Amerikanong coach na si Paul Woolpert, na nagdala kay Jeffrey Cariaso sa free-throw line.
Bumawi si Cariaso sa kanyang naunang dalawang sablay na free-throws nang kanyang ipasok ang dalawang penalty shots na naglagay sa Tigers sa maalwang na 79-75 kalamangan, 7 segundo na ang nalalabing oras.
Samantala, hangad ng Purefoods at Ginebra na makaahon sa ilalim ng standings ng kani-kanilang grupo sa pakikipagharap sa mga group leaders ngayon sa Araneta Coliseum.
Makakaharap ng Ginebra, pangalawa sa huli ng Group B ang No.1 team ng kanilang grupo na Batang Red Bull sa pambungad na laban sa alas-4:00 ng hapon.
Ang Group A leader na Alaska naman ang makakalaban ng Purefoods sa alas-6:30 ng gabi na siyang main game.
Pareho namang nais ng Thunder at Aces na maipagpatuloy ang kani-kanilang winning streaks.
Ang Alaska ay may tatlong sunod na panalo na nagdala sa kanila sa 7-3 record habang ang Red Bull naman ang pinakamainit na koponan sa lahat ng 10 teams sa kanilang pitong sunod na panalo.(Ulat ni CVOchoa)