At ngayong alas-2 ng hapon, muling tatangkain ng Teeth Sparklers na maipinta ang kanilang ikalimang sunod na panalo kontra sa LBC-Batangas sa Pasig Sports Center kung saan ang kanilang sagupaan ay ipalalabas ng delayed ngayong alas-6 ng gabi sa Solar Sports Channel 29.
Huling napagwagian ng Hapee Toothpaste ang kanilang unang korona noong 1996 nang banderahan ni Ma Jian ang nasabing koponan na sumungkit ng PBL Reinforced Conference sa ilalim ng pangangasiwa ni coach Junel Baculi.
At sa muling pagbabalik ni Baculi sa Lamoiyan Corporation, hinugot nito ang apat na marquee players ng Ateneo na sina Wesley Gonzales, Larry Fonacier, L.A. Tenorio at Rich Alvarez upang makatulong ng mga mainstays na sina Allan Salangsang, Niño Gelig, Francis Mercado, Eugene Tan at Peter Jun Simon kung saan umaasa ito na ito na ang tamang pagkakataon upang mapasakamay ang ikalawang korona.
"So far, so good. The team is peaking up and after four wins, I saw within them that determination to stay on top. I believe this is the right time for an aggressive bid for the crown," ani Baculi.
Pero siguradong di pahu-huli ang tropa ni coach Nash Racela matapos na malasap ang 85-64 kabiguan sa mga kamay ng John-O noong naka-raang Sabado.
Ang kabiguang ito ang inaasahang mag-aangat sa kampanya nina Alex Compton, Al Magpayo, Ralph Rivera, Ronald Allan Capati at ng bagong recruit na si Joe Dominguez upang tapatan ang hamon ng Hapee.
Samantala, magtatangka naman ang Nutri-licious ng kanilang ikalawang sunod na panalo sa kanilang nakatak-dang pakikipaglaban sa Viva Mineral Water sa alas-4.