Tinaguriang Sunkist Youth Basketball Championship, ang nasabing tournament ay magsisilbing inisyal na venture na inorganisa at pangangasiwaan ng bagong tatag na Sports Vision Management Group, Inc., (SVMGI).
Ang Sunkist Youth Basketball Championship na lalahukan ng mga mahuhusay at matitikas na high school teams sa bansa at umaasa na makapagbibigay sa mga kabataan ng kinailangang tamang atensiyon at exposure sa kanilang kampanya para maihanda sila sa isang mahigpitan at mapaghamong labanan dito o maging sa labas ng bansa.
Sina dating PBA Commissioner Emilio Jun Bernardino at Mauricio Moying Martelino na nagsilbing Asian Basketball Confederation secretary general simula 1989 hanggang 1998 ang siyang pangunahing tao sa likod ng nasabing proyekto na layuning hindi lamang mapaangat ang basketball skills ng mga kalahok kundi matulungan ang mga ito ng tamang formation ng kani-kanilang moral at academic values.
Kabilang sa mga directors ng Sports Vision sina dating national at PBA team manager Elmer Yanga, dating PBA executive director Sonny Barrios, dating PBA chairman Iggy Yenko, dating Ginebra stalwart at huling commissioner ng nasibak na MBA Chito Loyzaga, PAVA Treasurer Ricky Palou, topnotch lawyer Edgar Francisco, dating ABC Communications Manager Rhea Navarro at Coach Norman Black, isa sa matagumpay na coach ng PBA kung saan giniya niya ang San Miguel Beer sa grandslam peat noong 1989.
Ang nasabing tournament ay idaraos sa Abril sa Makati Coliseum at sa Koliseyum ng Bayan sa Washington Street, Buendia, habang ang coaches meeting ay gaganapin sa Abril 2 sa alas-6 ng gabi.