Darating sana si Yeshmangbetov at ang kanyang chief trainer na si Oleg Kovalchuck ng alas-6:15 kamakalawa ng gabi. Subalit ipinabatid ng kanyang kampo sa promoter na si Bebot Elorde kahapon ng umaga na ang kanilang flight ay nakansela, gayunpaman, ginarantiyahan sila ng upuan para sa susunod na biyahe mula sa Almaty.
Ayon kay Arnold Ali Atienza, kung saan ang Manila Sports Council ang siyang nagkoordinasyon para sa City of Manila na idaos ang free-to-the-public show na tinaguriang Bakbakan sa Maynila na ang bagong gawang Rajah Sulaiman Plaza sa Malate ang siyang magiging venue ni Pacquiao at ang kanyang kalaban para sa unang face-to-face meeting bukas ng hapon sa alas-3:30.
Binigyan rin ang MASCO ng go-signal ni Manila Mayor Lito Atienza at First Gentleman Mike Arroyo na siguruhin ang lahat upang maging maayos ang pagdaraos ng nasabing boxing fest.
"The Kazakh was itching to plane in to relay to the Filipino fight fans about his prediction," wika ni Ali.
Hindi nakataya sa labang ito ang International Boxing Federation super bantamweight title ni Pacquiao, pero ang kanyang magiging kabiguan ay magkakakaroon ng malaking epekto sa kanyang boxing career lalo na sa Amerika.
Tampok din sa nasabing laban ang bakanteng World Boxing Council International bantam na pag-aagawan nina Rhodel Galicia at Johnny Lear, interim Philippine fly na sagupaan sa pagitan naman ng walang talong Cebuanong si Z Gorres at Roy Balataria at isa pang special atraksiyon na 10-rounder sa paglalaban nina Bobby Pacquiao at Baby Lorona Jr.