Ayon sa Airfreight 2001 chairman na si Bert Lina, optimistiko siya na ang muling pagbuhay sa cycling ay magiging matagumpay gaya ng naunang Marlboro Tour.
"Ngayon na ang hudyat ng pagbabalik ng pinakaaabangang karera ng mga siklista na Tour Pilipinas. Matapos ang apat na taong paghihintay ay hetot maidaraos uli ang Tour," pahayag ni Lina.
Upang maseguro ang balanseng kompetisyon sa 16-araw na pedalan, kanilang ikinalat ang mga miyembro ng National team, gayundin ang mga beterano ng Tour.
Nauna rito, nagsagawa ang organizer ng pre-qualifying races noong nakaraang Nobyembre at Disyembre na nilahukan ng mahigit sa 100 siklista kung saan nagawa nila itong ibaba sa 84 riders matapos ang malalim na pagsasala.
Gaya ng dapat asahan, pangungunahan ni Marlboro Tour 1998 champion Warren Davadilla ang Team 1 bilang team captain kung saan tatayong mentor si Norberto Oconer na dati ring miyembro ng Nationals.
Ang iba pang mga team captains at coaches ay sina Nicanor Ramos Jr., at Gerardo Igos para sa Team 2, Albert Primero at Alfredo Millanes ng Team 3, gagabay naman sa Team 4 sina Carlo Guieb, back-to-back Marlboro Tour champion at ang coach na si Ricardo Parami, si Arnel Quirimit naman ang mangunguna sa Team 5 kasama si Hector Padilla, habang si Felix Celeste Jr. at Elpidio Camat naman sa Team 6.
Gagabayan ni Enrique Domingo at Florante Solomon ang Team 7, si Placido Valdez at Jiva Siojo sa Team 8, sina Ryan Tanguilinga at Cesar Lobramonte sa Team 9, ang two-time champion naman na si Renato Dolosa ang ba-bandera sa Team 12 katulong si Juancho Ramores.
Ang Team 10 ay ta-trangkuhan nina Bernard Luzon at Arsenio Tado, sa Team 11 sina FedEx Tour of CALABARZON champion Santy Barnachea at Ceferico Bacunawa ang gigiya.
Tatakbo ang nasabing summer bikathon mula Abril 26 hanggang mayo 11 na may nakalaang P1 milyong premyo para sa team champion at P200,000 para sa individual.