Kakaibang PBA na ang makakapiling ng basketball afficionados dahil na rin sa pagbabago ng conference format, ilang adjustments sa tournament, pagpapabuti ng officiating at sari-saring pakulo.
Ayon kay PBA chairman Jun Cabalan, ito ay magiging mabisang pa-raan para makabawi ang PBA sa kanilang kita sa nakaraang taon.
Inamin ni Cabalan na nabawasan ng 17% ang kita ng bawat team noong nakaraang taon kumpara sa 2001 season.
"Our income dwindled in 2002 as compared to the year 2001," ani Cabalan. "This usually happen in the years that we participate in the Asian Games because normally, we loose the superstars to the national team."
Ayon kay finance director Ricky Palou, kumita lamang ang bawat teams ng P12 milyon noong nakaraang taon at ayon kay Cabalan, umaasa ang PBA na kumita ang bawat teams ng P20 milyon sa taong ito.
Bago pa man magbukas ang PBA, sinimulan na ng liga ang kanilang mga pakulo gaya ng mga mall tour, radio at tv guesting at ang pre-season games upang patikman ang mga fans ng kakaibang season sa taong ito.
Bukas, magkakaroon ng PBA fashion show sa Megastrip ng SM Mega-mall sa Mandaluyong at sa Biyernes, magkakaroon naman ng PBA concert tampok ang performance ni Paul Asi Taulava ng Talk N Text at Mike Hrabak ng Shell na mag-pe-perform sa Eastwood Central Park sa Libis.
Mas mahaba na ngayon ang All-Filipino Conference para higit na ma-sentro ang atensiyon sa mga local players ngunit magkakaroon ng Asian Invitationals kung saan makakasama ng dalawang foreign teams ang six regular teams pagkatapos ng All-Filipino eliminations.
Magkakaroon ng motorcade sa ibat ibang dako ng Metro Manila na susundan ng misa na dadaluhan ng PBA officials, team officials at players sa opening day kung saan ia-unveil ang bagong logo nila at ang bagong PBA jingle na inawit ni Vina Morales. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)