Ikalawang gold pinana ni Ortiz

Ipinagpatuloy ng 9-man RP team ang pananalasa sa recurve at compound archery kamakalawa sa 2003 1st Asian Grand Prix sa Bangkok, Thailand matapos makopo ni Janina Bianca ‘Binky’ Ortiz ang kanyang ikalawang gold medal.

Tinalo ni Ortiz si Leong Yoke Sim ng Singapore sa women’s individual compound upang masundan ang kanyang naunang gold sa women’s individual compound sa qualification round.

Napana rin ni Raul Arambulo ang kanyang ikalawang medalya nang maka-bronze ito sa men’s individual compound kasabay ng pagtatala ng dalawang RP record at pagbura sa Asian record.

Sariwa pa sa silver medal sa men’s compound qualifying, ang 659 puntos sa 70 meters ni Arambulo ang bumura sa 615 ni Clint Sayo noong 2000 at ang kanyang 173 markers sa 18 arrows elimination match na tubong Maynila ay tumaklob din sa 166 ni Benjamin Earl Yap na nailista noong 2001 sa Hongkong.

Naka-bronze naman ang men’s recurve team na binubuo nina Christian Cubilla, Marvin Cordero, Arnold Rojas upang lukuban ang pagkatalo sa men’s individual event gayundin ang kabiguan ng kanilang mga kasamahang kababaihan na sina Rachell Ann Cabral at Jennifer Chan na kalahok lang sa women’s individual recurve at sina Bernard Yap at Jed Santiago Roa sa men’s individual compound.

Show comments