Sinabi ni Senator Robert Barbers, chairman ng senate committee on games, amusements and sports, isang panukalang batas ang kanyang ihahain sa mataas na kapulungan upang ipagbawal ang mga dayuhang coaches sa anumang liga sa bansa.
Hiniling pa ni Sen. Barbers sa mga dayuhang coaches na ito sa PBA na ipakita sa kanyang komite ang mga dokumento na naging batayan upang bigyan ang mga ito ng working permits.
Partikular na tinukoy ng senador sina Alaska coach Tim Cone at Paul Woolpert ng Talk N Text na pawang mga American nationals.
Sinabi ni Barbers, hindi naman kinakailangan ang mga imported coach sa nasabing liga dahil may kakayahan din naman ang mga lokal na coaches upang hawakan ang mga koponan.
"Hindi kailangan ang mga imported coaches na ito dahil kaya naman ng mga Filipino coaches ang anumang gagawin ng mga dayuhang ito kaya dapat ay sila ang bigyan ng prayoridad," wika pa ng mambabatas.
Hihimayin din ng komite ang 9 na bagong Fil-foreign cagers na nakapasok sa PBA sa susunod na hearing upang patunayan nito sa senado na may dugong Filipino ang kanilang mga kliyente kaya nakapaglaro sa nasabing liga.
Iginiit pa ni Barbers kay PBA Commissioner Noli Eala na ipakita nito sa komite ang guidelines kung paano pinapayagan ang mga dayuhang coaches na humawak ng mga koponan.
Ipinaliwanag pa ni Barbers, huling hearing na ang isasagawa ng kan-yang komite sa susunod na linggo at ilalabas na nito ang report tungkol sa isinasagawang imbestigasyon sa mga Fil-foreign cagers.
Siniguro ng mamba-batas, ang sinumang mapatunayang peke ang mga papeles ng pagiging Pinoy ay irerekomenda ng kanyang komite na ipatapon palabas ng bansa at ideklarang persona non grata. (Ulat ni Rudy Andal)