DLSU sinibat ang korona sa UAAP men's baseball

Nagtagumpay ang De La Salle na maisubi ang dalawa sa tatlong korona sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) kahapon nang kanilang pagwagian ang men’s baseball title sa isang drama-tikong panalo na nilukuban ng kontrobersiya sa women’s badminton.

Tanging sa men’s lawn tennis lamang nasilat ang Green Archers nang mapasakamay naman ng Growling Tigers ng Santo Tomas U (UST) ang titulo.

Tinanggalan ng Archers ng korona ang University of the Philippines, 10-9 para sa kanilang ikatlong men’s baseball crown na una nilang nakuha noong 1995 at 2000 sa Rizal Memorial diamond.

At sa Rizal Memorial Sports Complex badminton hall, kinumpleto naman ng De La Salle’s ladies ang kanilang sweep sa eliminations makaraang pabagsakin ang mahigpit na karibal na Ateneo, 3-2, sa final day ng badminton eliminations para sa kanilang ikaanim na sunod na titulo at awtomatikong kampeonato.

Tumapos naman na ikalawa ang Ateneo na may 5-1 win-loss card na sinundan ng UST na may 4-2.

Dinomina naman ng UP ang men’s badminton sa pamamagitan ng sweep sa elimination na naghatid sa kanila ng malinis na 6-0 kartada, habang pumangalawa ang FEU na may 5-1 karta at sumunod ang Uste na may 4-2.

At sa Rizal Sports Center sa Pasig City, ginapi ng Growling Tigers ang La Salle, 2-1 upang mapasakamay ang korona sa men’s lawn tennis.

Tanging si Yannick Guba lamang ang nakatikim ng panalo sa De La Salle nang kanyang iposte ang 6-1, 6-1, panalo kontra Marco Lua, habang tinanghal naman si Art Thomas Calingasan na tournament Most Valuable Player makaraang maipanalo ang lahat ng kanyang asignatura.

Show comments