Lumipad noong Biyernes ang RP netters sa pangunguna ni Joseph Victorino sa Wuhan, China upang makumpleto ang kanilang preparasyon para sa Feb. 14-16 best-of-five matches tie. Ang nasabing tie ay orihinal na itinakda sa Peb. 7-9, ngunit humiling ang Chinese ng isa pang linggo para ipagpaliban ang paglahok ng kani-kanilang mga manlalaro para sumali sa isang linggong pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year.
Tangka ng Philippines, kabilang sa elite Group 1 ng zone hanggang kalagitnaan ng 1990s na muling makakuha ng slot sa nasabing grupo, ngunit ayon kina coach Martin Misa at non-playing captain Johnny Jose, tila mahihirapan ang local netters at siguradong dadaan sila sa butas ng karayom.
Tanging sina RP netter Johnny Arcilla at Rolando Ruel Jr., ang mayroong karanasan na lumaro sa Davis Cup matches.
Isa pa sa kinakaharap na problema ng Filipinos ay ang hindi pa rin paghahayag ng Chinese ng kani-kanilang lineup para sa tatlong araw na tie na ang mananalo ay makakaharap ng bisitang Kazakhstan-Taiwan tie sa second round sa Abril 4-6.
Ang matatalo naman sa first round ties ay sasagupa naman para sa karapatang manatili sa group II, at ang matatalo rito ay malalaglag para sa group III sa susunod na taon.
Noong nakaraang taon, ang Philippines ay natalo sa Kazakhstan sa kanilang first round tie, ngunit nagawang makasungkit ng Filipinos ng berth sa group II sanhi ng 3-2 panalo kontra sa Kuwait sa relegation tie.