Ito ang mga kaganapan sa kauna-unahang general assembly ng POC sa Cafe J sa Malate kahapon na dinaluhan ng 30 mula sa 34 regular member ngt associations.
Mananatili pa ring walang puwesto ang Philippine Sports Commission (PSC) sa Technical Committee na binuo ng POC para mangasiwa ng preparasyon ng bansa para sa Vietnam SEA Games at 2005 SEAG na iho-host ng bansa.
"The PSC is invited to join the coordinating committee," ani Dayrit.
Sa mga nakaraang SEA Games, bumubuo ng Task Force na kinabibilangan ng kinatawan ng POC at PSC ngunit binago ito ng POC sa kauna-unahang pagkakataon.
Bagamat naayos ang gulo sa cycling at softball, wala pa ring naging solusyon sa alitan sa wrestling association.
Sinabi kahapon ni POC President Celso Dayrit na nagkasundo ang mga opisyal ng cycling na si Antonio Cruz ang magiging chairman ng Philippine Amateur Cycling Association (PACA) habang ini-retain naman ng POC ang recognition kay Cong. Harry Angpin bilang pinuno ng Amateur Softball Association of the Philippines.
Inaprobahan din sa general assembly kahapon ang P13 milyon na budget para sa mga NSA para sa taong kasalukuyan.
Sinabi rin ni Dayrit na tumanggap ang POC ng $100,000 na grant mula sa Olympic Council of Asia bilang kanilang kontribusyon sa itatayong Philippine Olympic Center.
Sa naturang Olympic Center na hindi pa natutukoy kung saan itatayo, papaloob ang library at museum, sports Hall of Fame at iba pa. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)