Imbestigasyon sa 'Fil-shams' may linaw na

Nagkakaroon na ng linaw ang imbestigasyon ng senado sa mga Fil-foreign players.

Nagpahayag ng kasiyahan sina Alvin Patrimonio, Jojo Lastimosa at ilan pang homegrown talents sa kinalabasan ng resulta kung saan minamadali ni Sen. Robert Barbers, chairman ng senate committee on games, amusements and sports ang resulta.

"At least 5 Fil-Am players ang kuwestiyonable ang mga dokumento at malamang na umuwi na," ani Jerry Codiñera bago pa man magsimula ang hearing.

Bagamat tumangging magbanggit ng pangalan si Codiñera, kinilala naman sina Paul Asi Taulava, Eric Menk, Chris Jackson, James Walkvist at Nic Belasco na naharap sa summary deportation noong 1991.

May kabuuang 25 Fil-foreign players ang iniimbestigahan sapul nang kalkalin ng senado ang mga ulat ukol sa mga pekeng dokumento na isinumite ng mga fil-foreign players para mabigyan sila ng clearance ng Bureau of Immigration at kumpirmasyon ng Department of Justice.

Samantala, siniguro kahapon ni PBA Commissioner Noli Eala sa senado na ang pitong na-draft na Fil-Ams sa natirang 15 na nag-apply ang kanilang na-check na mabuti at kumpleto ang sertipikasyon mula sa Bureau of Immigration na kinatigan ng Department of Justice at awtentikado ang mga ito.

Sinabi ni Eala kay Barbers na kailangang makumpleto muna ng 7-Fil-foreign cagers na ito ang kanilang dokumento ng pagiging Filipino bago sila makapaglaro sa pagbubukas ng PBA All-Filipino Cup sa susunod na buwan.

Inihayag pa ni Eala sa komite ng senado na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakapirma ng kontrata ang 7 Fil-foreign draft pick na ito sa kumuha ditong mga teams sa PBA. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments