Adducul, Laure at Tubid nag-uunahan sa PBL MVP race

Patuloy sa pag-uunahan ang mga Welcoat players na sina Romel Adducul, Eddie Laure at Ronald Tubid sa karera ng Most Valuable Player pagkatapos ng elimination phase ng PBL Challenge Cup.

Nananatiling no. 1 si Adducul na naghahangad maisubi ang kanyang ikalawang Most Valuable Player plum mula noong 1996, sa kanyang naaning 412 puntos matapos kumubra ng 277 puntos sa statistics at 135 sa bonus point mula sa won games.

Si Adducul ay may average na 14.7 puntos, 9.5 rebounds at 1.1 block bawat laro.

"Malaking exposure ang ibinigay sa akin ng Welcoat. In as much as gusto ko ring makamit ang ikalawang MVP, mas naka-focus kasi kami para maibigay sa Welcoat ang championship," pahayag ni Adducul na na-draft ng Ginebra sa PBA.

Pumapangalawa si Eddie Laure na may 406 puntos mula sa 271 statistics points at 135 bonus mula sa won games.

Ikatlo naman si Tubid na third overall sa kanyang 398 puntos, 263 mula sa statistics at 135 bonus points.

May tsansa din para sa naturang award sina Mark Cardona at Marlon Legaspi ng ICTSI.

Ikaapat si Cardona na may 397 puntos, 277 sa statistics at 120 bonus points kasunod si Legaspi na may 385 puntos, 280 sa statistics at 105 sa bonus won games.

Nasa ikaanim sa overall si Edgar Echavez na may 371 puntos, 281 sa stats at 90 won games. Ikapito naman si Ranidel de Ocampo na may 367 kasunod sina Aries Dimaunahan ng Blu (343), Reynel Hugnatan (337) at Billy Mamaril ng Montana (315).

Show comments