Nanalasa sina Gary David at Edgar Echavez, na tumapos ng 23 at 22 puntos, ayon sa pagkakasunod sa ibinabang atake ng Jewelers sa final na minuto ng laro upang itala ang kanilang ikaanim na panalo matapos ang 11 laro na nagdugtong sa kanila para makalapit sa Group B leader ICTSI na mayroong 6-4 win-loss slate.
Nalasap naman ng Juicers ang kanilang ikasiyam na kabiguan matapos ang dalawang panalo.
"Kagagaling lang kasi sa bakasyon. The desire to win was there pero ang nangyari sa first half, gusto nilang manalo sa sariling effort. Walang team-work," wika ni Montana coach Ronnie Dojillo.
"Kaya kinausap ko sila noong halftime. Good thing, nag-respond naman sila," dagdag pa niya.
Nakalubog sa 33-46 sa halftime, umiskor si Echavez ng 18 puntos sa third canto upang trangkuhan ang Montana na itabla ang iskor sa 60-all matapos ang unang tatlong quarters.
Si David naman ang siyang nangasiwa sa opensa ng Jewelers sa final na yugto ng labanan nang kumana ito ng 14 puntos kabilang ang dalawang triples na nagdala sa Montana sa 78-73 pangunguna may 3:01 ang nalalabi sa laro.
Tanging ang triple lamang ni Charles Tan ang siyang tanging naipuntos ng Sunkist-Pampanga para sa 76-78, 2:36 ang nalalabi sa laro.
Hindi lang ang board ang dominado ng Montana kungdi, nakakuha rin sila ng 20 puntos mula sa offensive rebounds at panibagong 19 puntos sa fast-breaks.
Tumapos si Billy Mamaril ng 17 puntos upang suporta-han sina David at Echavez, bukod pa ang kinanang 11 rebounds upang tabunan ang 24 puntos ni Ollan Omiping ng Juicers.