Adducul nagpalista na sa PBA Draft

Ang pinakahihintay na application para sa Annual Draft ni Rommel Adducul ay nakarating na rin sa wakas sa opisina ng Philippine Basketball Association kahapon.

Matapos ang apat na taong paghihintay, hindi na nag-atubili ang 6-foot-6 sentro na ipasa ang kanyang application bago matapos ang deadline kahapon.

Taong 1998 pa lamang nang maari nang mag-pro si Adducul ngunit pinili nitong maglaro sa nagdisbanda nang MBA kung saan siya ay naging star player.

Si Adducul ang inaasahang maging no. 1 pick sa drafting na gaganapin sa Enero 12 sa Glorietta maliban na lamang kung may ibang plano ang Alaska na unang pipili matapos makuha ang draft rights sa FedEx.

"Matagal ko nang pinapangarap na pumasok sa PBA. Ito ang talagang dream ko nung bata pa ako," pahayag ni Adducul.

Bukod kay Adducul, nakahabol din sa deadline ang pambato ng La Salle na si Mike Cortez na posible ring kunin ng Aces.

Ang kanyang American agent ni Cortez ang nagdala ng kanyang application kahapon.

Ang iba pang malalaking pangalan na humabol sa deadline kahapon ay sina two-time MBA MVP John Ferriols, Sunday Salvacion, Cyrus Baguio at Ralph Rivera.

Nauna nang nagpalista sina Enrico Villanueva, Eddie Laure, Jimmy Alapag, Ronald Tubid, Bruce Dacia, Jenkins Mesina, Billy Mamaril, Francis Hugnatan, Clarence Cole at Rysal Castro.

May kabuuang 67 players ang nag-apply para sa drafting na kinabibilangan ng 18 Fil-Foreign players.

Bagamat tinanggap ang application ng mga ito, kailangan muna nilang magpasa ng confirmation mula sa Department of Justice bago pormal na makasama sa draft.

Ikalawang pipili ang Ginebra kasunod ang Shell, Purefoods o Red Bull, Sta. Lucia, Talk N Text, Red Bull, San Miguel at Coca-Cola. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments