La Salle Academy, M'Lang High nalo

ILIGAN City - Kapwa blinangko ng defending champion at host La Salle Academy at M’Lang National High School ang kani-kanilang mga kalaban kahapon upang kumpletuhin ang semifinal cast sa All-Mindanao Coke Go-for-Goal under-16 football finals sa National Steel Corp. field dito.

Iginupo ng LSA ang Agusan National High, 5-0 upang pangunahan ang Group B habang dinurog naman ng M’Lang ang Holy Cross of Bukidnon, 2-0.

Sa semifinals, maglalaban ang Ateneo de Davao at Andres Bonifacio College ng Dipolog habang makakalaban naman ng La Salle Academy ang M’Lang National High.

Ang champion at runner-up ay kakatawan ng Mindanao sa national finals na nakatakda sa February 9-13 sa Dumaguete City.

Kasama na sa national finals ang Don Bosco ng Cebu at Negros Oriental gayundin ang top two teams mula sa Luzon.

Umiskor ng tigalawang goals sina Jemeorex Sabaga at Miguel Quidlat upang pangunahan ang LSA habang nag-ambag naman ng isang goal si Lance Barga.

Pinangunahan naman ni Ian Tullo ang M’Lang sa kanyang dalawang goals sa ika-30th at 76th minuto.

Show comments