Red Bull, SMBeer, Alaska at Coca-Cola

Maganda ang pares na umakyat sa semifinals ng ongoing Selecta-PBA All-Filipino Cup.

Bagamat umaasam ang marami sa Finals showdown ng Batang Red Bull at San Miguel Beer, hindi dapat tawaran ang kakayahan ng Alaska at Coca-Cola.

Naging mahirap ang daan sa Coca-Cola at Alaska kung saan kinailangang maipanalo nila ang kanilang knockout matches kontra Sta.Lucia at Talk ‘N Text ayon sa pagkakasunod habang prenteng-prente naman ang Beermen at Thunder na nauna na sa semis sa bisa ng kanilang magandang performance sa elims.

Kaya tiyak namang magiging maganda ang bakbakan sa best-of-three semifinal series na magsisimula bukas (Miyerkules) sa PhilSports Arena.

Makakalaban ng Red Bull ang Alaska, at haharapin naman ng Coke and kapatid na kumpanyang San Miguel.

Sino kaya ang mas susuwertihin at mabibiyayaan ng magandang Pamasko?

Hala, cheer na ninyo ang paboritong team n’yo.
* * *
Gusto ko nga palang batiin si Eton Navarro at ang kanyang La Consolacion Pasig High School basketball team na nag-champion kamakailan sa Pasig-San Juan City High School girl’s division.

Ang panalo ni Eton at ng La Consolacion kontra sa Rizal High School ay preliminary para sa karapatang katawanin ang Pasig at San Juan sa NCR o Metro Manila elimination na ang magwawagi naman ay kakatawan sa buong NCR para naman sa Palarong Pambansa.

Masayang-masaya ang management ng La Consolacion sa kanilang achievement na ito dahil very young ang kanilang team at baguhan sa ganitong klaseng torneo.

Kaya naman, bukod kay Eton, masaya din ang kapatid nitong si Rhea sa achievement ng kanyang kapatid.

Kung matatandaan n’yo si Eton ay isa sa pinakamagaling na defensive player ng San Sebastian Stags sa NCAA. Naging ka-teammate ni Eton ang dakilang si Samboy Lim at Jojo Lastimosa sa Lhuillier sa PABL (PBL na ngayon) at naging kampeon ang kanilang team.

Pumasok din siya sa PBA kung saan na-draft siya ng Alaska ngunit one season lamang ang kanyang itinagal.

Isang tunay na nagmamahal sa basketball, hindi nito maiwan ang larong kahit papaano ay nagbigay sa kanya ng pangalan bagamat hindi kasing ningning ng kanyang naging kasabayan na sina Samboy at Jojo.

Sa kasalukuyan, isa siya sa mga coaches ng tanyag na Milo Best Center at nakapagbigay ng coaching job sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Kaya sa iyo Eton at sa buong La Consolacion team, congratulation at sana makalusot kayo sa susunod n’yong laban para maging kinatawan ng NCR sa Palarong Pambansa.

Personal: Happy birthday sa aking bunso na si Lorraine Jane sa Disyembre 13. Happy birthday din kay Nat Canson sa Dec. 12, Jun Limpot at Alaska coach Tim Cone sa Dec. 14.

Show comments