Pinagtulungang trangkuhan nina Cyrus Baguio at June Simon ang opensa ng Greasebusters nang tumapos ng 22 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod upang itiklop ang kanilang asignatura sa 4-4 kartada sa first round ng elimination.
Makakasama ng Dazz ang Welcoat Paints, Blu All-Purpose at LBC-Batangas sa upper bracket, habang kabilang naman ng Sunkist na isinara ang kanilang first round assignment sa isang panalo matapos ang pitong talo ang ICTS, Montana Pawnshop, John-O at Cheese Balls-Shark sa lower bracket.
Ang bawat koponan ay maghaharap-harap sa kani-kanilang grupo sa isang single-round robin at ang top three teams sa upper bracket makaraan ang second round phase ang awtomatikong mag-ku-qualify sa crossover semifinals.
Ang ikaapat na koponan ang siya namang maglalaban para sa playoff ng huling slot kontra sa top team sa lower bracket para sa wild card entry. Kung sakaling mayroong koponan sa lower bracket na makaka-sweep ng apat na laro, mabibiyayaan siya ng insentibo para harapin naman ang top team sa panibagong playoff para sa tsansang makasagupa naman ang ikaapat na koponan sa upper bracket para sa wild card entry.
"Mabait pa rin sa amin ang Diyos, kaya malaki ang pasasalamat namin sa Kanya," wika ni Dazz coach Junel Baculi makaraan ang kanilang panalo. "I told the boys that the real work begins in the second round elimination phase. Our goal is to make to No. 2, pero kung kaya, well go all out for the No. 1 spot."
Dominado ng Greasebusters ang laro simula pa lamang ng kanilang isara ang first canto sa 20-12, bago kanilang pinalaki sa 40-26 na kanilang naging mitsa sa kanilang panalo.
Bahagyang nakalapit ang Juicers sa 30-40 may tatlong minuto na lamang sa final canto, ngunit agad na sumagot sina Baguio at Simon ng sunod-sunod na basket upang muling palawigin ang kanilang kalamangan sa 55-36.