Base sa ipinadalang sulat ni PBA Commissioner Jun Bernardino kay Barbers, chairman ng senate committee on games, amusements and sports, nakahanda ang PBA na makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon hinggil sa pagkakaroon ng dugong Filipino ng nasabing mga foreign cagers, pero nakiusap siya na dahil sa nasa kainitan na ang laban ng All-Filipino Cup, malaki ang magiging epekto nito sa mga koponan kung kayat sa buwan na lamang ng Enero simulan ang nasabing pagdinig.
Ayon pa kay Bernardino, nasa krusiyal stage ang mga players para madetermina ang papasok sa finals ng All-Filipino Cup kaya mahihirapan ang mga players na makadalo sa gaganaping hearing ng senado sa buwang ito.
Bukod dito, araw-araw ang ensayo ng mga manlalaro bilang paghahanda sa kanilang mga laban kaya mahirap para sa mga ito ang dumalo pa ngayon sa hearing sa senado.
"I request the good chairman to postpone said public hearing until after the conclussion of the All-Filipino Cup for the benefit of the league, the teams and most particularly the PBA legions of fans," wika pa ni Bernardino sa kanyang liham kay Barbers. (Ulat ni Rudy Andal)