Unang naitalang magsisimula sa Nobyembre ang torneo, subalit labis na maikli ang panahon para buuin ang liga. Magsisimula sila na may anim na koponan, kabilang ang Pampanga, Bacolod, Cebu, Lucena at iba pa.
Maraming manlalaro ang nawalang trabaho sa pagbagsak ng MBA, lalo nat hindi pa ito nakakapagbayad ng napakalaking utang nito sa ilan pang naiwang mga koponan. Ilan sa mga manlalarot team na inindyan ay nagbabalak ngayong magsampa ng demanda laban sa pamunuan ng nasirang MBA, sa pangunguna ng Chairman nitong si Santi Araneta ng LBC.
Samantala, dahil dito, mapapababa ang salary cap ng mga koponang sasali sa PNL. Makakakuha sila ng mga manlalaro sa halagang
P 30,000 isang buwan pababa. At dahil partner ang Silverstar Communications, hindi sila mahihirapan sa pagpapalabas sa telebisyon. Balak ng ligang magbrodkast ng isang laro tuwing Martes at Huwebes ng gabi, at dalawang laro ng live tuwing Sabado ng hapon.
Si dating MBA commissioner Chito Loyzaga ang tatayong commissioner ng bagong liga. Karamihan sa mga laro ay gaganapin sa Metro Manila, subalit may mga pagkakataon ding dadayo sila sa malalayong lugar, tulad halimbawa ng Baguio City. Ang liga ay tatakbo mula Enero hanggang Hunyo.
Naghahanap ngayon ng mga player ang nasabing liga. Ayon sa mga opisyales nito, madali ngayon dahil sa dami ng ligang napapanood sa TV, at sa dami ng player na naghahanap ng pagkakataong makalaro, maliit man ang sahod.
Magandang pagkakataon din ito para makapagpakitang-gilas ang mga baguhan mula sa mga paaralan sa Visayas at Mindanao.
Sa ngayon, maraming pulitiko rin ang interesado dahil malapit na ang eleksyon, at malakas makahatak ng tao ang pagpapalaro ng basketbol. Naunahan na silang lahat ni Sen. John Osmeña, na ilan buwan nang may koponan sa Philippine Basketball League.
Makakatulong din sa ligang ito ang mga beterano ng PBA na mawawalan din ng puwesto paglipas ng 2003 PBA Draft. Marami sa kanilay lagpas sa 27 taong gulang at di makakabalik pa sa PBL.
Naway magtagumpay ang PNL, dahil marami itong matutulungan sa mga inabandona din ng MBA.