Taulava nagbida sa TNT

LAOAG CITY – Humataw si Paul Asi Taulava sa ikaapat na quarter upang ihatid ang Talk ‘N Text sa 78-75 panalo kontra sa Purefoods TJ Hotdogs sa out-of-town game ng Selecta-PBA All-Filipino Cup sa Ilocos Norte Centennial Arena dito.

Umiskor si Taulava ng 15 puntos sa 17 puntos na produksiyon ng Phone Pals sa ikaapat na quarter kabilang na ang split at three-point play habang pinagbidahan ni Victor Pablo ang 12-7 palitan para sa 73-68 kalamangan ng Talk ‘N Text, 5:34 ang oras na kanilang pinangalagaan para sa kanilang ikalawang panalo sa apat na laro.

Tumapos si Taulava ng 33 puntos, 15 rebounds, 6 assists, 3 blocks at 2 steals upang ipalasap sa Purefoods ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang dalawang sunod na panalo.

Hindi naman nakatulong ang 22 puntos si Noy Castillo para sa Pure-foods.

Samantala, magbabalik ang aksiyon sa Araneta Coliseum sa paghaharap ng Shell at Sta. Lucia sa alas-3:45 ng hapon na susundan naman ng duwelo ng lider na Batang Red Bull at San Miguel Beer sa alas-5:45 ng hapon. (Ulat ni CVO)

Show comments