Solo liderato tutuhugin ng Blades

Solong liderato ang tangkang maipuslit ngayon ng LBC-Batangas Blades sa kanilang nakatakdang duwelo ng Blu All-Purpose sa pagbabalik aksiyon ng PBL Challenge Cup sa Pasig Sports Center.

Ibig ni Batangas Blades Nash Racela na mapatunayan na ang kanilang 84-77 panalo kontra sa Montana Pawnshop ay hindi maituturing na beginner’s luck at umaasa sila na muling maipapamalas ang intensidad ng kanilang nakaraang laro sa alas-2 ng hapong sagupaan nila ng Detergent Kings.

Samantala, sisikapin naman ng Montana Pawnshop at John-O na makabangon mula sa kani-kanilang pagkatalo sa kanilang nakatakdang pagtitipan bandang alas-4.

Inaasahang muling sasandigan ni coach Racela ang mga pulso ni Alex Compton katulong ang mga beteranong sina Jason Cuevas, Froilan Baguion, Mico Roldan at Ralph Rivera kasama ang mga promising na sina Al Magpayo, Ronald Allan Capati, Harold Sta. Cruz at Paul Reguera.

Sa kasalukuyan, hindi naipormalisa ang transaksiyon sa pagitan nina ex-MBA stars John Ferriols at Allen Patrimonio kaya’t ang siguradong ipantatapat ni coach Leo Isaac sa Blades ay ang kanyang mga dating manlalaro na inaasahang nakagawa na ng adjustments. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments