Pinoy chessers lumapit sa top 20

BLED-Sa wakas, nakasungkit na rin si Grandmaster Eugene Torre ng kanyang kauna-unahang panalo kasabay ng unti-unting paglapit ng Philippines sa top 20th placers sa pagtatapos ng 11th round ng 35th Chess Olympiad noong Miyerkules.

Winalis ng Philippines ang Italy, 3-1 upang masustinahan ang kanilang four-game winning streak at kumulekta ng 25.5 puntos upang makasosyo mula sa 22nd hanggang 25th puwesto kasama ang Lithuania, Sweden at Bangladesh.

Tumanggi si Torre na tapatan ang kingside attack na inilunsad ng kalabang si Michele Godena upang mapagwagian ang pigian ng utak makaraan ang 38 moves ng Pirc Defense.

Pinabagsak naman ni Joey Antonio si Fernando Braga sa 38 sulungan ng Sicilian defense at hiniya ni Mark Paragua ang kalabang si Cario D’Amore sa 57 moves ng Center Game.

Tanging si Bong Villamayor lamang ang nakalasap ng kabiguan sa kampanya ng mga Filipinos nang yumukod ito sa mga kamay ni Fabio Bellini sa 38 sulungan ng French Defense.

"We are within striking distance of our goal and we are ready to make the big jump," pahayag ni Philippine team captain Samuel Estimo.

Susunod na kikilatisin ng Filipinos ang Macedonia na babanderahan ni super Grandmaster Kiril Georgiev ngayon upang tuluyan ng makatapak sa top 10 sa 12th round ng tournament.

Ipinagpatuloy ng women’s squad ang kanilang pananalasa ng ipalasap sa Slovenia A ang masaklap na pagkatalo, 2-1.

Ang panalo ay humila sa Pinay chessers sa 32nd hanggang 38th puwesto bunga ng kanilang nalikom na 17 puntos.

Unang isinalba ni Arianne Caoili ang Filipinas sa kahihiyan nang kanyang itala ang 44-move King’s Indian na panalo kontra kay Jana Krivec, ito ay sinundan ng tagumpay ni Beverly Mendoza ng 34-sulungan Sicilian Defense laban kay Darja Kaps.

Tanging si Kathryn Cruz ang talunan sa grupo nang yumukod kay Anna Srebrenic sa 34 sulungan ng King’s Indian.

Susunod na makakasagupa ng RP women’s squad ang Croatian team.

Show comments