Isa-isa nang nalagas ang mga nagtangkang lumahok, liban sa dalawa: ang kombinasyon ng NBN Channel 4 at IBC 13, at ang grupong pinangungunahan ni Carlos "Bobong" Velez.
Parehong mabagsik ang dalawang grupo. Sa panig ng gobyerno, hawak ng NBN-IBC ang airtime na buhay ng anumang programa sa telebisyon. Mapagpipilian pa nila kung saang network ilalabas, o kung ipagsasabay ("simulcast"). Sa kabilang dako, bigatin naman ang mga kasama ni Velez. Liban sa siya na ang may pinakamahabang karanasan sa pagkober ng PBA, kabilang sa mga kasangga niya si RFM COO Joey Concepcion, Butch Jimenez (ng dating nagma-may-ari ng GMA network), at mga kasosyo mula sa PLDT. Subalit saang network nila ito ilalabas? Kung sa ABC 5, gaya ng inaakala, mahihirapan sila dahil wala itong provincial network.
Sa Baguio at Cebu, halimbawa, na UHF ang ABC. Hindi nila maihahatid ang lawak ng audience na hinahanap ng PBA.
Limang oras na pinag-usapan ng PBA board ang dalawa noong Lunes, subalit walang desisyong narating. Inurong nila ang deadline sa November 7. Parehong nagdarasal ang dalawang grupo na makuha nila ang pinakaprestihiyosong sports franchise sa Pilipinas.
Bagamat tinamaan ng masamang ekonomiya, dami ng kalabang media, at pagkatalo sa Asian Games, maraming dahilan para isiping papatok ang PBA sa 2003. Una, magkakaroon ito ng bagong TV coverage team. Hindi na ito hahawakan ng Viva-Vintage. Pangalawa, maraming bagong player ang papasok mula sa yumaong MBA at sumiklab na UAAP. Naririyan sina Romel Adducul at marami pang ibang nanggigigil na makapasok sa liga.
Dagdag pa rito, mababalik na sa normal ang pagpapatakbo ng liga. Nagkabali-baliktad ang schedule dahil sa Asian Games. Panghuli, magkakaroon ng bagong commissioner upang bigyan ng bagong direksyon ang liga.
Subalit sino ba talaga ang makakakuha sa PBA?
Abangan.