Makakapag-debut na rin sa wakas si Eric Menk sa kanyang bagong koponang Barangay Ginebra gayundin si Dondon Hontiveros para naman sa defending champion San Miguel Beer.
At matapos magsama ng mahabang panahon sa RP national coaching staff, maghihiwa-hiwalay na rin ang landas nina national coach Jong Uichico ng San Miguel at ang kanyang mga assistant coaches na sina Eric Altamirano ng Purefoods TJ Hotdogs at Allan Caidic ng Ginebra.
Si Menk at Hontiveros ay parehong nakuha ng Ginebra at San Miguel sa magkahiwalay na trade bago pa man magsimula ang 2002 season.
Bubuksan ng FedEx at ng defending champion San Miguel Beer ang aksiyon sa ganap na alas-3:45 ng hapon.
Makakaharap ngayon ng Ginebra ang kanilang kapatid na kumpanyang Purefoods TJ Hotdogs sa main game sa dakong alas-5:45 ng hapon.
Si Menk ay nakuha ng Gin Kings mula sa nagdisbandang Tanduay kapalit ni Alex Crisano at first round pick na ibinalik din ng FedEx, ang nakakuha sa prangkisa ng La Tondeña, kapalit naman ni Vergel Meneses.
Nakuha din ng Beermen mula sa Tanduay si Hontiveros kapalit ni Freddie Abuda bago ito nagdisbanda.
Bukod kay Hontiveros, makakabalik na rin sina Danny Ildefonso at Olsen Racela maliban kay Danny Seigle na di na nakasama sa kampanya ng RP team sa nakaraang Busan Asiad dahil sa kanyang natamong injury sa exhibition game kontra sa Qatar.
Sa susunod na season na makakapaglaro si Seigle dahil matagal na panahon ang kailangan upang makarekober ito sa operasyon ng kanyang napunit na Achilles tendon.
Makakalaro na rin sa TJ Hotdogs si Noy Castillo na magiging karagdagang puwersa para kina Alvin Patrimonio, Rey Evangelista, Boyet Fernandez at iba pa.
Inaasahang pagtutuunan ng depensa ng Beermen sina Yancy de Ocampo, Jerry Codinera, Renren Ritualo at iba pa sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa pagtatanggol ng korona.
Posibleng hindi pa gaanong magiging aktibo sa pagko-coach sina Uichico, Caidic at Altamirano matapos ang kanilang nakakapagod na kampanya sa nakaraang Asiad, isang linggo pa lamang ang nakakaraan.
Halos di pa gaanong nakakabalik sa sistema ng kanilang koponan ang tatlong coach na pare-parehong dalawang beses pa lamang nakakapag-ensayo sa kani-kanilang mga koponan mula sa kanilang Asian Games stint. (Ulat ni CVOchoa)