Si Paul Woolpert, beterano ng Continental Basketball Association kung saan hinawakan niya ang Yakima Sun Kings at Sioux Falls Skyforce, ay na-interview na nina team manager Frankie Lim at governor Ricky Vargas na nasa Estados Unidos ngayon.
Kung magkakasundo sila, sasabay na si Woolpert sa pagbalik sa Maynila sa Linggo o sa Lunes. Magkakaroon siya ng tatlong araw upang makilala nang husto ang Phone Pals at mapaghandaan ang kanilang unang laro kontra sa Sta. Lucia Realty sa susunod na Biyernes sa Cuneta Astrodome.
Bago nakausap nina Lim at Vargas si Woolpert ay kinunsidera ng Talk N Text na iangat na lamang bilang head coach ang isa sa tatlong assistant coaches na sina Joel Banal, Ariel Vanguardia at Aric del Rosario.
Napusuan din ng Talk N Text ang Amerikanong si Johnny Neumann na kamakailan ay nasibak bilang coach ng national team ng Lebanon.
Si Woolpert ay naging champion coach sa CBA sa tatlong seasons. Inihatid niya ang Skyforce sa kampeonato noong 1995 at 1996 at ang Suns sa titulo noong 2000. Siya ay produkto ng University of Portland.
Noong 2000, si Woolpert ay naging coach ng West All-Stars sa CBA All-Star game sa Sioux Falls. Ito ang ikalawang sunod na appearance niya sa All-Star game matapos maging coach ng National Conference squad sa CBA Players Showcase sa Phoenix.
Si Woolpert ay anak ng College Hall of Fame coach Phil Woolpert, na naghatid sa University of San Francisco sa NCAA championship noong 1955 at 1956.
Nagsimula si Woolpert bilang scout at video coordinator ng Seattle Supersonics kung saan tumagal siya ng walong seasons. Naging scout din siya ng Portland Trail Blazers. (Ulat ni ACZ)