Panay buntunghininga, paghikbi at tulala ang mga players, coaching staff, Filipino reporters at supporters sa nangyari.
At sino ba sa inyo, lalo na sa mga nakapanood sa kanilang TV sa Maynila ang hindi matutulala sa nangyari?
Akalain mo, 5 segundo na lang ang namamagitan at atin na ang karapatang muling harapin ang China sa finals pero nakawala pa.
Tsk, tsk, tsk. Nakakalungkot talaga!
Sa sobrang excitement, hindi na halos napuna na nagkaroon ng turnover at biglang isang three pointers din ang pinakawalan ni Lee Sang-Min na pumasok habang natulala at parang nabagsakan ng langit at lupa ang mga Pinoy.
Wala ng nakapagsalita. Naramdaman ko na lang na umiiyak na ako habang sina Olsen, Dondon at Taulava ay nakadapa sa court.
Habang patungo kami ng court nakita kong inaalalayan ni Nolan ang kanyang amang si PBA commissioner Jun Bernardino habang kasunod ko naman si Patricia Bermudez ng PTV-4 na humihikbi at pulang-pula ang mga mata sa kaiiyak.
Wala na, bumigay na ang lahat sa lungkot at nanaig ang katahimikan sa loob at kapaligiran ng dugout.
"Pare, paano mo susulatin ang ganitong klaseng istorya. Masakit! Wala ako sa kundisyong magsulat," pahayag ni Lito kay Reira habang nakatingin naman ako sa ulap at naluluha-luha kapag naiisip ang masakit na nangyari.
"Alam mo bang nanginig ang buong laman ko nang itira at pumasok ang bola," Masakit, parang sasabog ang dibdib ko," aniya pa, habang naiiling at malungkot na nakikinig sina Jimmy Cantor ng Malaya, Aldrin Cardona ng Tribune, Eddie Alinea ng Bulletin, Jun Lomibao ng Today at Virgi Romano ng Abante.
Naalala ko tuloy si Joe Antonio ng Peoples Journal, nang nanonood kami ng laban ng Japan at Philippines kung saan dikdikan din ang naging laban. "Nakakasikip ng dibdib ang manood ng ganitong klaseng laban." ani Joe na halatang nagdarasal din para sa Pinoy.
Isang tunay na Filipino ka kapag ganito rin ang naramdaman mo para sa National team na nakitang nagpakahirap ng husto para lamang maihandog sa mga kababayan ang isang karangalan.
Siyanga pala nais ko lang batiin ng belated happy birthday si Abac Cordero ng Philippine Star na nag-celebrate ng kanyang birthday noong Oct. 12 dito sa Busan. Happy birthday din kay Millotte de Jesus-Caidic sa Oct. 15, sa aking sis na si Sarah sa Oct. 18, Judy Serrano (Oct. 18) at Francis Ochoa (Oct. 20).
Happy birthday din kay Ricky Yap Santos kahapon at congratulations kay Tito Talao ng Tempo dahil isa siya sa lima na masuwerteng nabunot sa raffle ng mga bumoto para sa Samsung MVP award.